-- Advertisements --

Kinumpirma ng National Police Commission (NAPOLCOM) na mayroong mga nag-match sa mga pulis na naunang sinampahan ng reklamo na mayroon umanong kaalaman sa kaso ng missing sabungeros sa panibagong reklamong ihinain ng tatlong bagong personalidad na siyang iniuugnay naman sa war-on-drugs ng nakarang administrasyon.

Sa naging pulong balitaan sa tanggapan ng NAPOLCOM na siyang pinangunahan ni NAPOLCOM Commissioner Vice Chairperson and Executive Officer Atty. Rafael Vicente Calinisan, siniyasat at kinumpirma mismo ng komisyon ang apat na pangalang nakikitang nag-match sa mga dokumento sa magkaibang reklamo.

Ani Calinisan, apat angmga lumitaw na pangalan na siyang tinitignan na posibleng sangkot sa kaso ng missing sabungeros at maging ng kampaniya kontra droga ng nakaraang administrasyon Duterte.

Samantala ang apat na pulis ay kinilala bilang sina, PLtCol. Ryan Jay Orapa, PMaj. MArk Philip Almedilla, PSMS. Mark Anthony Marinque, at PSSgt. Edmon Munoz na pawang mga kabilang sa 12 pulis na nauna nang pinatawan ng preventive suspension ng komisyon.

Ang naging paglutang naman ng tatlong bagong complainant na ito ay nangangahulugan lamang na mayroong sapat na patunay na mayroon talagang sapat na ugnayan ang kaso ng mga nawawalang sabungero at ang mga naging pagpatay sa war-on-drugs ng nakaraang liderato.

Sa kasalukuyan ay isasailalim sa isang malalim na imbestigasyon ang mga complaints na ito upang masiguro ang koneksyon ng apat na pulis na hinihinala sa ngayon na sangkot sa parehong pangyayari.

Apat na pulis naman na hindi pa pinapangalanan sa ngayon ang kasalukuyang sinisilip na rin ng NAPOLCOM na posibleng may kaalaman at partisipasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero.