-- Advertisements --

Kinuwestyon ng kampo ng negosyanteng si Charlie ‘Atong’ Ang ang inilabas na kautusan ng korte hinggil sa kasong kinakaharap nito may kinalaman sa pagkawala ng mga sabungero.

Sa opisyal na pahayag ng kanyang abogado na si Atty. Gabriel Villareal, na ibinahagi sa Bombo Radyo, itinuring niyang ‘premature’ ang naging desisyon ng Sta. Cruz, Laguna Regional Trial Court Branch 26.

Kahapon kasi ay opisyal ng nailabas at inisyu ang ‘warrant of arrest’ laban kay Atong Ang sa kasong ‘kidnapping with homicide’.

Subalit naniniwala ang legal counsel nito na ang kautusan ng naturang korte ay paglabag umano sa karapatan ng kanyang kliyente magkaroon ng ‘due process’.

Giit ni Atty. Villareal na ang ‘arrest order’ ay ‘legally questionable’ sapagkat aniya’y bigo raw nitong maabot ang panuntunan sa konstitusyon na dapat sundin hinggil sa sitwasyon.

Dagdag pa niya’y ang ginawang aksyon ng hukom ay batay lamang umano sa hindi kumpleto at iisang panig ng impormasyon inilatag ng Department of Justice sa pag-determina kung may ‘probable cause’ sa kaso.

Ayon sa abogado, hindi tiningnan ng korte ang mga counter affidavits at ebidensyang mula sa mga akusado kabilang si Atong Ang.

Sa kabila nito’y ibinahagi ni Atty. Villareal na tatalima pa rin sila sa ligal na proseso ng korte at ihahanda ang mga remedyong maaring gawin at ihain.

Gagawin aniya nila ang lahat para mabigyan ng oportunidad ang kliyenteng si Atong Ang na hamunin ang inilabas na ‘arrest order’.

Habang nakasaad sa ‘arrest warrant’ na inilabas ng Regional Trial Court ng Sta. Cruz, Laguna na sundin ng mga awtoridad ang nakasaad sa batas na tama at ligal na paraan sa implementasyon ng kautusan laban sa mga ‘respondents’ o akusado sa kaso.