-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Naging matagumpay ang paglunsad ng Diocese of Kalibo sa makasaysayang panawagan sa radyo ni Jaime Cardinal Sin, na kinilalang mahalagang boses sa People Power Revolution.

Ayon kay Rev. Fr. Justy More, chancellor ng Diocese of Kalibo, opisyal na itong nai-record sa UNESCO Memory of the World Register.

Ang naturang pagkilala ay nagpapakita ng mahalagang papel ng broadcast sa pagsulong ng demokrasya at matiwasay na pagbabago sa Pilipinas.

Isinagawa ang pormal na paglunsad at seremonya ng pagkilala sa bayan ng Kalibo, araw ng Lunes, Disyembre 22, 2025.

Binigyang parangal sa okasyon ang kontribusyon ni Cardinal Sin sa kasaysayan ng bansa ag ang kapangyarihan ng broadcast sa paghubog ng demokratikong legasiya.

Nauna dito, isinalarawan ng The New York Times ang namayapang si Cardinal Sin na “Champion of the Poor” ng Diyos.

Para sa mga nakasaksi sa mga pangyayari noong EDSA People Power Revolution noong 1986, mistulang siya ang nagsilbing maliwanag na bulalakaw na nagbigay-liwanag sa pinakamadilim na gabi ng Batas Militar at umantig sa damdamin ng mga tao sa buong mundo dahil sa kanyang lakas ng loob na magsalita laban sa kalupitan ng isang makapangyarihang tao.