-- Advertisements --

Nagpahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng pagkabigla nang matuklasan niyang inalis noong nakaraang administrasyon ang isang standard procedure  na nagsisilbing panangga laban sa katiwalian sa mga proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan.

Sa podcast interview, sinabi ng Pangulo na tumigil sa pagsunod sa mga alituntunin ang pagpapatupad ng mga pambansang proyekto ng pamahalaan sa nakalipas na dekada.

Ikinuwento ng Punong Ehekutibo na noong siya ay nagsilbing gobernador ng Ilocos Norte, mahalaga ang ginagampanang papel ng mga lokal na opisyal sa pagsusuri ng kalidad ng mga proyektong isinagawa ng pambansang pamahalaan.

Ayon kay Pangulong Marcos, hindi nababayaran ang kontratista kung hindi pipirmahan ng lokal na pamahalaan ang dokumento ng pagtanggap, kaya’t napipilitan ang kontratista na ayusin ang mga depekto at tapusin nang maayos ang proyekto.

Samantala, inamin din ng Pangulo ang posibilidad na makatulong ang mga makabagong teknolohiya sa pagpapalakas ng transparency sa datos ng pambansang badyet at mga proyekto ng pamahalaan.