Biyaheng Amerika si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Linggo at kaniyang gagamitin ang pagbisita upang buksan ang mga usaping mayroong kinalaman sa Pilipinas at muling isulong ang interest ng mga Pilipino.
Ayon kay Foreign Affairs Asec Raquel Solano na una sa mga agenda ng pangulo sa magiging pulong kasama si President Donald Trump, ay ang pagtalakay sa 20% reciprocal tariff na ipinataw ng Amerika sa Pilipinas.
Aniya, mayroon nang mga opisyal ng Pilipinas ang nauna na sa Washington DC, para sa nagpapatuloy na negosasyon sa usaping ito.
Umaasa aniya ang pamahalaan na sa pagbisitang ito ni Pangulong Marcos, makabuo ng isang bilateral trade agreement o kasunduan para sa reciprocal trade, kung saan kapwa magbi-benepisyo ang dalawang bansa.
Sa linya ng depensa at seguridad, hindi aniya mawawala sa mga posibleng matalakay ng dalawang lider ang mga development o mga nangyayari sa West Philippine Sea (WPS).
Umaasa rin aniya ang pamahalaan na sa pagbisitang ito ng pangulo sa US, muling makakapag-secure ang Pilipinas ng assistance o suporta mula sa US, para sa pagpapa-igting pa ng kakayahan at kagamitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine Coast Guard (PCG).
Si Pangulong Marcos, opisyal na bibisita sa US simula July 20 hanggang 22, 2025, bilang tugon sa imbitasyon ni President Trump.