Umaasa ang liderato ng PBA na papahintulutan na rin sa general community quarantine (GCQ) ang mga koponan na ipagpatuloy ang kanilang pag-ensayo bilang paghahanda para sa 2020 season.
Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, hinihintay pa sa ngayon ng liga ang utos nila sa Inter-Agency Task Force, na inaasahang magpapasya na rin kaugnay sa kapalaran ng Metro Manila pagsapit ng buwan ng Hunyo.
Sinabi pa ng opisyal, mahalaga na payagan ang mga practice, na isa sa mga hakbang upang makapagsagawa ng preparasyon ang mga teams para sa pagbabalik ng mga laro.
Kung sakaling magbigay na ang IATF ng go signal, papayagan ng PBA ang team training at mga scrimmage, ngunit hindi papayagan ang mga tune-up at intersquad games.
“Hihintayin ko rin ‘yung decision pero palagay ko, kahit practice na walang scrimmages, ‘yung lima lima lang tapos talagang conditioning lang, walang laro, baka pupuwede na,” wika ni Marcial.
Samantala, kahapon din nang talakayin ng PBA Board of Governors ang mga protocols para sa training at pagbabalik ng mga laro ng mga ball clubs.