Nag-alok ng libreng mental health services at HIV testing ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) katuwang ang advocacy group na Love Yourself Inc. para sa mga overseas Filipino workers (OFWs), lalo na sa mga seaferer.
Ayon sa ahensya pumunta lamang sa OWWA Seafarer’s Hub sa Ermita, Manila, at sa LoveYourself clinic sa Pasig City para ma-assist, bukas ang Pasig Clinic mula Lunes at Martes para sa HIV testing, habang araw-araw namang bukas ang mental health counseling sa Seafarer’s Hub.
Una ritong nilagdaan nina OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan at LoveYourself founder Ronivin Pagtakhan ang kasunduan noong Martes na dinaluhan din ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach bilang ambassador ng parehong organisasyon.
Inilunsad din ang “Embrace Virtual Hub,” na magbibigay ng online na access sa HIV prevention, STI treatment, mental health support, at iba pa.
Ayon kay Pagtakhan, malaking bilang ng bagong kaso ng HIV ay mula sa OFWs mula sa 103 patungo sa 500 kaso kamakailan.
Ipinunto ni Caunan na madalas hindi napag-uusapan ng mga OFW at seafarer ang mental health at sexual health dahil sa stigma, kaya’t malaking tulong ang mga serbisyo upang mabigyan aniya ng suporta ang kanilang pangangailangan.
Sa ngayon, mahigit 215,000 katao ang may HIV sa bansa, ayon sa datos noong taong 2024, kung kaya’t nanawagan na rin ang Department of Health na ideklara ang HIV bilang isang pambansang public health emergency.