Ligtas nang nakauwi sa Pilipinas ang kabuuang 34 na overseas Filipino workers (OFWs) mula Dubai na naipit sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Sa isang statement, kinumpirma ito ng Department of Migrant Workers (DMW), na sinalubong mismo ang ating kababayang OFW na dumating ngayong Biyernes, Marso 6, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa lungsod ng Pasay.
Naisakatuparan ang ligtas na pagbiyahe ng mga OFW mula Dubai sa pamamagitan ng Emirates Flight EK 336.
Pagkarating ng mga na-stranded na OFW dito sa bansa, nakatanggap ang mga ito ng tulong at iba pang suporta mula sa pamahalaan.
Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat si Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac sa United Arab Emirates government, kasabay ng kaniyang pagsalubong nitong Huwebes sa naunang 299 Filipino returnees mula Dubai, dahil sa pagpapatupad ng safety protocols at defense systems sa gitna ng nagpapatuloy na krisis sa Gitnang Silangan.
Tiniyak ng kalihim na ipagpapatuloy ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang maigting na pakikipagtulungan para makapagbigay ng on-the-ground support at repatration assistance sa mga apektadong Pilipino.
















