Erwin Tulfo
Erwin Tulfo/ FB post

Patung-patong umanong kaso ang kakaharapin ng broadcaster na si Erwin Tulfo sa korte dahil sa kanyang pagmumura kay Social Welfare Sec. Rolando Joselito Bautista.

Ayon kay Philippine Military Academy Alumni Association (PMAAI) president P/Col. Arthur Bisnar na handa ang kanilang hanay na supportahan ang kanilang kapwa Cavalier na si Bautista sa paghahain ng ligal na aksyon laban kay Tulfo.

Mayroon aniyang Cavaliers lawyers association na nagpupulong na para tulungan ang legal team ni Bautista.

Aniya, kasong libelo, oral defamation at slander ang kanilang ikakaso kay Tulfo sa kanyang mga pahayag na nakasira sa reputasyon ni Bautista.

Bukod aniya dito ay irereklamo din nila si Tulfo sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at sa National Press Club dahil sa kanyang pagmumura sa himpapawid.

Kahit na aniya nag-isyu na ng public apology si Tulfo, ang korte na ang bahala kung ikokonsidera nito.

Una rito, nagpahayag ng buong supporta ang PMAAI kay Bautista na anila ay isang respetado at tinitingalang dating opisyal ng militar.

Samantala, ayon naman kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief Col. Noel Detoyato, at tagapagsalita ng PMAAAI na mariing kinokondena ng asosasyon ang ginawang pambabastos ni Erwin Tulfo kay Sec. Bautista na dating Commanding General ng Philippine Army.

Sinabi ni Detoyato hindi lamang mga cavaliers, maging ang mga honorary members, retired officials ng AFP ay nasa likod ni Bautista.