Primero pa rin ang mga manager sa listahan ng mga trabaho sa bansa na may pinakamataas na sahod kada araw.
Base ito sa lumabas na Labor Force Survey ng Philippine Satistics Authority (PSA) para sa April 2025.
Ayon kay PSA USec. at National statistician Claire Dennis Mapa, tumaas ng bahagya ang sinasahod kada araw ng managers noong April 2025 sa P1,387 mula sa P1,356 noong Abril 2024.
Base sa paglalarawan ng PSA, ang mga manager ay ang mga nagpaplano, naguutos, nakikipag-ugnayan at nagi-evaluate ng kabuuang aktibidad ng enterprises, gobyerno at iba pang organisasyon.
Pangalawa naman ang Armed Forces Occupations sa may pinakamataas na arawang sahod kabilang dito ang lahat ng miyembro ng Sandatahan maliban sa mga nasa civil defense gaya ng police at customs inspectors.
Pangatlo naman sa listahan ang professionals na nasa fileds of sciences, social sciences, legal at social services, art at iba pa.
Pang-apat ang technicians at associate professionals na nagsasagawa ng technical tasks na konektado sa scientific o artistic concepts, operational methods at government o business regulations.
Pang-lima ang clerical support workers na ang trabaho ay nagtatala, nago-organisa at lumilikom ng impormasyon at nagsasagawa ng mga clerical duties gaya ng pamamahala ng pera, travel arrangements at appointments.
Samantala, base din sa datos ng PSA noong Abril 2025, kabilang sa mga trabahong may pinakamababang sahod kada araw ay sa elementary occupations na nasa P428/day, skilled agricultural, forestry at fishery workers na nasa P486/day, service and sales workers P552/day, craft and related trades workers P581/day at plant and machine operators and assemblers P585/day.