-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nananawagan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang mga negosyante at iba pang stakeholders na pag-aralan ng mabuti ang proposed Boracay bridge project at pakinggan ang kanilang mga hinaing para sa ikabubuti ng lahat.

Nanindigan ang mga ito na kailangang magkaroon ng konsultasyon ang planong pagpapatayo ng tulay mula sa mainland Malay patawid sa isla ng Boracay na ikinababahala ng karamihan na magkakaroon ng negatibong epekto sa pangkalahatan.

Ayon kay Nabas sangguniang bayan member Godofredo Sadiasa na siya ring tumatayong consultant ng Caticlan Boracay Transport Multi-Purpose Cooperative (CBTMPC), ayon sa batas ang kahit anumang proyekto mula sa national government ay kailangang may kaukulang kaalaman ang lokal na pamahalaan na sila rin ang magpapaliwanag sa kanilang mga stakeholders at mga negosyante lalo na’t maaapektuhan nito ang kanilang negosyo na pinagkukunan ng kanilang kabuhayan sa pang-araw-araw.

Sakali aniyang matuloy kaagad ang P7.95-bilyong proposed 2.54-kilometers Boracay bridge na popondohan ng San Miguel Corporation (SMC) na naunang inanunsyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na posibleng sa buwan ng Hulyo maisapinal ang desisyon ay sila ang unang maapektuhan nito.

Mawawalan aniya ng kabuhayan ang mga motorbanca operators at maging ang kanilang mga tauhan na dito lamang umaasa ng kanilang ikinabubuhay sa kanilang pamilya araw-araw.

Maliban dito, hindi pa nakapagbayad ang mga ito sa kanilang loan sa banko na ginamit na pondo upang mapalitan ang kanilang mga motorbanca ng fiber glass mula sa tradisyunal na kahoy na nauna nang ipinag-utos sa kanila ng Maritime Industry Authority (MARINA).