-- Advertisements --

Pinasinayaan na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang bagong offshore patrol vessel na BRP Rajah Sulayman sa Ulsan, South Korea nitong Miyerkules, Hunyo 11.

Dumalo sa isinagawang launching ceremony si AFP chief General Romeo Brawner Jr. at Hyundai Heavy Industries chief operating officer at senior executive vice president Joo Won Ho.

Sa isang statement, sinabi ng AFP na nagpapakita ang event na ito ng malakas na partnership sa pagitan ng Pilipinas at South Korea sa pagpapahusay pa ng maritime security at self-reliant defense capabilities.

Sa kaniya namang mensahe, ipinunto ni AFP chief Brawner ang estratehikong kahalagahan ng paglulunsad ng bagong barko lalo na sa papel nito sa pagpapahusay pa ng maritime defense ng Pilipinas.

Sinabi din ni Brawner na ang bagong barko ay marka ng bagong kabanata para sa Philippine Navy, gayundin sumasalamin ito sa kanilang panata para paghusayin pa ang kanilang operational capabilities at palawakin pa ang kanilang presensiya sa maritime domain.

Ayon sa AFP, ang bagong asset ay ipinangalan sa matapang na katutubong pinuno ng Maynila na si Rajah Sulayman na nanindigan laban sa mananakop na Español.

Inihayag din ng AFP na isang modernong sagisag si Sulayman ng katatagan, katapangan at hindi sumusukong diwa ng kalayaan.

Bilang pagbibigay pugay ng bansa sa nakaraan, nananatili aniya ang AFP na tapat sa paghubog sa hinaharap kung saan ang kalayaan ay hindi lamang ipinagdiriwang kundi maingat din na pinangangalagaan.