-- Advertisements --

Nananatiling mapayapa at maganda ang relasyon ng Pilipinas at Vietnam sa sa Kalayaan Island Group (KIG), na nasa loob ng 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, ito’y sa kabila ng tensyon sa West Philippine Sea (WPS).

Nabatid na dalawang metro lamang ang layo ng Parola Island (okupado ng Pilipinas) at Pugad Island (okupado ng Vietnam), kung saan hindi naging balakid sa dalawang bansa ang kooperasyon pagdating sa pagsasagawa ng mga aktibidad gaya ng mga friendly games, cultural shows, at palitan ng ideya. Taun-taon din umano nagkikita ang mga military troops ng dalawang bansa ayon kay Col. Joel Bonavente ng Naval Task Force 42.

Bagama’t mas modernisado na ang Pugad Island base sa mga istrakturang nakita mula sa BRP Andres Bonifacio ay patuloy parin ang pagpapabuti sa mga pasilidad ng Pilipinas sa mga okupadong isla tulad ng Parola Island. Dagdag pa rito ang pagkakaroon ng satellite internet, telebisyon, at sports equipment upang mapanatiling mataas ang morale ng mga sundalo.

Bahagi ito ng mas malawak na inisyatibo ng AFP na gawing mas “livable and habitable” ang mga isla para sa mga sundalong Pilipino. Ayon pa kay Bonavente, ang presensya ng Philippine Navy at Marines ay mahalaga upang maprotektahan at maipaglaban ang teritoryo ng bansa sa gitna ng mga overlapping claims sa WPS.