-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-Misamis Oriental) ang mag-asawa na founder ng Munificence Ministry na maraming investors na tinakbuhan nang makunan ng milyun-milyong investment capital mula Metro Manila at dalawang malaking rehiyon sa Mindanao.

Kinilala ang mga naaresto na sina Pastor Rolando Joseph ng Munificence Ministry at Fe Joseph na nagmula sa General Santos City na sobrang isang taon nang nagtatago sa Portico Subdivision,Grand Europa,Brgy Lumbian ng Cagayan de Oro City.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni CIDG 10 regional chief Lt Col Choli Jun Caduyac na inaaresto ang dalawa batay sa anim na warrant of arrests ng kasong syndicated estafa na nagmula sa korte ng Saranggani Province dahil maraming tinakbuhan na investors na umano’y nakalagak ng multi-million peso na kapital.

Inihayag ni Caduyac na ang modus operandi ng mag-asawa ay halos magkatulad ng raket nang napasara na Kabus Padatoon Community International Ministry na humingi ng donasyon at nagbibigay ng 45 percent na return of investments (ROI).

Dagdag ng opisyal na pagkatayo ng mag-asawa ng kanilang money making investment scam ay lumutang ilang araw matapos tuluyang bumagsak ang KAPA ni Joel Apolinario.

Kasalukuyang inilipat na ang mga suspek pabalik sa General Santos City upang iharap sa korte kung saan naka-pending ang kanilang mga kaso.

Magugunitang naitayo ang nabanggit na grupo noong Enero 2019.