Pumalo na sa halos isang milyong Pilipino ang nabenipisyuhan ng P20 kada kilong bigas ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), nasa kabuuang 2,105 metric tons (MT) ng murang bigas ang naibenta sa mahigit 200,000 sambahayan, base sa datos noong Hulyo 14.
Sa ngayon, available na ang P20/kilo rice sa 162 mula sa 699 operational Kadiwa ng Pangulo (KNP) centers at stores sa buong bansa.
Mas marami namang lokal na pamahalaan ang nakatakdang magpatupad ng programa.
Ayon kay DA ASec. Arnel de Mesa, target na mabenepisyuhan sa naturang programa ang nasa 15 milyong benepisyaryo.
Ang ibinibentang murang bigas ay nasa ilalim ng Benteng Bigas Meron Na program ng pamahalaan para sa mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents, mga benipisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program, kasama na ang minimum wage earners.
Isa lamang ang P20/ kilo rice sa mga hakbang ng gobyerno para mapahupa ang retail price ng bigas para matiyak ang kapakanan ng publiko.