-- Advertisements --

Iisyuhan ng National Police Commission (Napolcom) ng summons ang mga pulis na idinadawit sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang mga ito na maipaliwanag ang kanilang panig.

Nitong Lunes nang opisyal nang maghain ng complaint affidavit ang whistleblower sa kaso na si Julie Patidongan alyas Totoy kung saan pinangalanan na niya ang mga pulis na dawit umano sa pagpaslang sa mga sabungero.

Ayon kay Napolcom vice chairperson at executive officer Atty. Rafael Vicente Calinisan, kailangan muna nilang makuha ang kasagutan ng mga respondent sa akusasyon laban sa kanila kayat papadalhan ang mga ito ng orders o summons.

Nilinaw naman ni Atty. Calinisan na kabuuang 18 pulis ang binanggit ni alyas Totoy sa kaniyang affidavit kung saan 13 dito ay aktibo pa sa serbisyo habang ang 5 naman ay na-dismiss sa serbisyo dahil sa mga kinasangkutan nilang kaso.

Sa pagharap ni alyas Totoy sa media kahapon, isiniwalat din niya na ang mga pulis na sangkot umano sa pagpatay sa mga sabungero ay mga tagaligpit din sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon.

Iginiit naman ng Napolcom chief na sasailalim pa sa masusing beripikasyon ang lahat ng mga isiniwalat ng whistleblower na si alyas Totoy sa kaniyang complaint-affidavit kasama na ng affidavit ng mga kaanak ng mga nawawalang sabungero.