-- Advertisements --

Kumpyansa ang Department of Justice na nasa loob pa rin ng bansa ang gaming business tycoon at puganteng si Charlie ‘Atong’ Ang.

Tiwala ang naturang kagawaran sa mga impormasyon nakalap nagsasabing hindi pa ito nakakaalis palabas ng bansa kasabay ng kinakaharap na kaso.

Ayon kay Justice Sec. Fredderick A. Vida, nakatitiyak umano ang pamahalaan na ang naturang akusado ay kasalukuyang nasa Pilipinas pa rin.

Ito aniya’y batay din sa rekords ng Bureau of Immigration nagkukumpirmang walang ‘rekord’ at ‘impormasyon’ nakalipad paalis ng bansa si Atong Ang.

Kung maaalala, kaugnay sa kasong kinakaharap ng nabanggit na pugante ay inisyuhan at inilagay na rin ito sa Immigration Lookout Bulletin o I.L.B.O. para mabantayan sakali mang lumabas ng Pilipinas.

Alinsunod sa pagkukunsidera kay Atong Ang bilang isa ng pugante o fugitive from justice, naniniwala ang Department of Justice na dapat nitong harapin ang kaso.

Giit nila’y nararapat na sumuko na lamang ang puganteng si Ang para mapatunayan sa korte na wala itong kasalanan hinggil sa pagkawala ng mga sabungero.

Ayon kasi kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, balewala raw ang mga pahayag nito na siya’y inosente kung hindi naman idadaan sa proseso ng husgado.

Si Charlie ‘Atong’ Ang at at 17 kapwa akusado ay nahaharap sa kasong ’10 counts of Kidnapping with Homicide’.

Bukod pa rito’y sinampahan rin siya at 3 iba pang respondents ng hiwalay na kasong 16 counts of kidnapping with serious illegal detention may kinalaman sa pagkawala ng mga sabungero.

Ang mga kapwa akusado ni Atong Ang ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad habang siya’y patuloy pa ring pinaghahanap.

Subalit binigyang diin ng Department of Justice na ito’y hindi magiging dahilan para maapektuhan ang pag-usad ng kaso sa korte.