-- Advertisements --

Inililihis lamang ng Palasyo Malakanyang ang mga isyung ipinupukol sa kanila kaya pinalulutang muli ang usapin ng arestuhan mula sa International Criminal Court (ICC). 

Ito ang iginiit ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos sabihin ni Executive Secretary Lucas Bersamin na posibleng maaresto ang senador kung maglalabas ang ICC ng warrant of arrest laban sa kanya. 

Una rito, iniuugnay si First Lady Liza Araneta-Marcos sa pagkasawi ng retail executive na si Paolo Tantoco na siya namang pinabulaanan ng palasyo.

Aniya, pagtatakip lamang sa isyung kinasasangkutan ng First Lady ang dahilan ng pagpapalutang ng arestuhan mula sa ICC gayong wala pa naman daw inilalabas na arrest warrant laban sa kanya. 

Tinabla rin ng senador ang pahayag ng executive secretary na bibigyan umano siya ng parehong pagtrato katulad kay Dating Pangulong Rodrigo Duterte sakaling maaresto ng ICC. 

Aniya, isang malaking pagkakamali raw ang ginawa ng administrasyon sa dating pangulo ngunit malaya ang mga ito kung gusto nilang gumawa ulit ng panibagong pagkakamali. 

Tumanggi naman si dela Rosa na sagutin kung mayroon siyang ginagawang paghahanda sakaling maglabas ng arrest warrant laban sa kanya. 

Si dela Rosa ang pangunahing nagpatupad ng madugong war on drugs noong administrasyon ni Duterte. 

Nauna nang inaresto si Duterte ng interpol nitong Marso 11 sa bisa ng isang International Criminal Court arrest warrant dahil sa kasong crimes against humanity.