Inanunsyo ng Department of Health (DOH) na palalawakin ang zero-balance billing at hindi na lamang ito limitado sa mga ospital na pinapatakbo ng ahensiya.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, ito ay kasunod ng pag-apruba ng Senado sa karagdagang pondo sa panukalang General Appropriations Bill.
Kapag tuluyang naaprubahan ito, gagamitin ang dagdag na P1 billion na pondo para suportahan ang mga level 3 na ospital na pagmamay-ari ng mga lokal na pamahalaan.
Ayon sa DOH, may mga kondisyon ang pagpapatupad nito kabilang ang sapat na accreditation ng mga Rural Health Units sa PhilHealth YAKAP program at saklaw ng mga pasyente.
Dagdag ng DOH, ang pondo ay iaayon sa populasyon, pasilidad, at uri ng LGU, at ilalabas sa pamamagitan ng mga level 3 DOH hospitals sa rehiyon sa ilalim ng isang legal na kasunduan.
Sa ngayon, mahigit isang milyong Pilipino na ang nakinabang sa zero-balance billing program sa buong bansa.














