Kinuwestyon ng isang abogadong naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang pagiging bahagi ni Surigao Del Sur 1st District Rep. Romeo Momo Sr. sa isasagawang bicameral conference para sa 2026 national budget.
Mariing inihayag ni Atty. Mary Helen Polinar Zafra ang kanyang pagtutol sa pagkakatalaga nito upang mapasama sa naturang komite.
Ito’y kasunod nang kanyang pormal na sampahan ng reklamong plunder at graft ang naturang mambabatas sa pagkakaugnay umano nito sa katiwalian.
Kung kaya’t panawagan ni Atty. Zafra sa kasalukuyang House Speaker na si Isabela Rep. Faustino “Bojie” De Guzman Dy III na ikunsidera ang mga inihaing reklamo sa Ombudsman.
Giit niya’y mayroon silang mga ebidensyang makapagpapatunay sa kanilang alegasyon na kalakip sa isinampang ‘graft at plunder complaints’.
Dagdag pa rito’y ibinahagi din niya ang pangamba sakaling matuloy na makasama si Cong. Momo Sr. sa gaganaping pagtitipon.
Ngayong araw ay nakatakdang simulan ang BICAM o ang bicameral conference para sa pag-apruba ng pambansang budget sa taong 2026.
Nag-ugat ang mga reklamo sa sinasabing P1.4 billion halaga ng mga proyektong iginawad ng pamahalaan sa kumpanyang konektado ang mismong pamilya nito.
Corporate officers aniya raw sa kumpanyang Surigao La Suerte Corpoaration ang mga anak ni Congressman Romeo Momo Sr.
Ilan sa mga proyektong na-award sa naturang kumpanya ang flood control projects, farm-to-market roads, at school buildings.
Bukod sa nabanggit na mambabatas, kabilang rin sa mga inirereklamo ay ang ilan sa mga kaanak nito pati mga opisyal ng Department of Public Works and Highways at iba pa.
Buhat nito’y may panawagan din maging sa kasalukuyang ng bansa na si President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. si Atty. Zafra.
Ang mga alegasyon at paratang nama’y pinabulaanan ni Cong. Momo Sr. sa kanyang inilabas na pahayag matapos ihain sa Ombudsman ang mga reklamo laban sa kanya.
















