-- Advertisements --

Inimbitahan ng Appeals Chamber of the International Criminal Court (ICC) ang Office of the Prosecutor at Office of Public Counsel for Victims (OPCV) na magsumite ng karagdagang obserbasyon sa pagbasura sa apila ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kumukuwestyon sa jurisdiction ng kaso.

Sa anim na pahinang kautusan na may petsang Disyembre 16, ay sinabi ng ICC Appeals Chamber na mahalaga ito para malaman nila ang tamang disposal ng apila.

Binigyan sila ng hanggang alas-4 ng hapon ng Enero 16, 2026 magsumite ng dagdag na obserbasyon.

Habang ang kampo ng dating pangulo ay pinayagan na sumagot ng alas-4 ng hapon ng Enero 23, 2026.

Tinanggihan din ng ICC Appeals Chamber ang hiling ng depensa na magbigay sila ng kasagutan sa naging komento ng Deputy Prosecutor ukol sa inapela ng mga abogado ng dating pangulo kung saan walang jurisdiction ang ICC dahil kumalas na ang Pilipinas sa ICC.

Magugunitang noong Nobyembre ay naghain ang abogado ni Duterte ng Appeals Brief na nagdedetalye ng argumento sa paghirit nila ng pagbaligtad ng desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber I at hiniling din nila ang agaran at unconditional release ng dating pangulo.

Hiniling din ng Office of the Prosecutor at OPCV ang ICCC Appeals Chamber na ibasura ang apila ng depensa na kumukuwestiyon sa jurisdiction sa kaso ni Duterte.

Iginiit ng Office of the Prosecutor na inuulit lamang ng kampo ng dating Pangulo ang mga naunang ibinasura na mga argumento.

Magugunitang nakapiit ngayon ang dating pangulo sa International Criminal Court dahil sa kasong war against humanity sa ipinatupad nitong war on drugs mula pa noong ito ay alkalde ng Davao City hanggang maging Pangulo ng Pilipinas.