-- Advertisements --

May posibilidad na makasama sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Pilipinang abogado na si Atty. Ross Tugade, ang pinakabagong Filipino lawyer na na-accredit bilang ICC Assistant to Counsel.

Ayon kay Atty. Tugade, posible ito sa teknikal na aspeto matapos siyang mapasama sa listahan ng mga accredited lawyers ng ICC. Gayunman, iginiit niyang ang kanyang paglahok ay nakadepende pa rin sa magiging desisyon, estratehiya, at pagkakaisa ng mga biktima na kasalukuyang kinakatawan sa korte.

Bago pa man ang kanyang pagkaka-accredit, aktibo nang tumutulong si Atty. Tugade sa mga biktima ng war on drugs sa pamamagitan ng Duterte Panagutin Network, katuwang ang kapwa ICC Assistant to Counsel na si Atty. Kristina Conti, partikular sa pananaliksik at teknikal na aspeto ng kaso.

Gayundin, halos isang dekada na ang nakakalipas, tinulungan ni Atty. Tugade ang mga biktima ng Martial Law na makuha ang karampatang reparations o bayad-pinsala.

Bilang isang human rights lawyer na may malawak na karanasan sa international criminal law, sinabi ni Atty. Tugade na ang kanyang pangunahing maiaambag sa ngayon ay ang kanyang kadalubhasaan sa pagbuo ng mga kasong may kinalaman sa crimes against humanity at war crimes, pati na ang kaalaman sa mga proseso ng ICC na naiiba sa legal system ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan, tinatapos ng abogado ang kanyang Doctor of Philosophy studies sa Australia.