-- Advertisements --

Inakusahan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang International Criminal Court (ICC) Prosecutors ng pagtatangka ng back-door appeal para buhayin ang hurisdiksiyon ng korte sa Pilipinas, kahit pa kumalas na ito noon pang 2019.

Sa anim na pahinang dokumento na isinumite sa ICC Appeals Chamber, ikinatuwiran ng lead counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman na binibigyan umano ng prosekusyon ng ibang kahulugan ang tamang interpretasyon ng batas para lunasan ang sarili nitong kabiguan para maglunsad ng imbestigasyon habang miyembro pa ang Pilipinas.

Aniya, ang kabiguang buksan ang imbestigasyon bago kumalas ang isang bansa mula sa ICC ay nakasalalay sa mga balikat ng Prosecutor.

Kayat dapat na aniyang tanggapin ng Prosecutor na hindi makakamit ang pananagutan sa pamamagitan ng pagbaluktot sa tamang interpretasyon ng batas at hindi ito dapat makapinsala sa karapatan ng suspek na dumaan sa tamang proseso ng batas.

Ang naturang dokumento ay ang kahilingan ng kampo ni Duterte na tumugon sa kamakailang mga argumento ng prosekusyon na humahamon sa hurisdiksiyon ng ICC.

Ayon sa counsel ng dating Pangulo, patuloy aniyang ikinakatuwiran ng prosekusyon na maaaring igiit ng ICC ang hurisdiksiyon nito kahit na kumalas na ang isang bansa sa Rome Statute, sa kabila pa ng nauna ng ruling ng Pre-Trial Chamber na maaaring wala ng hurisdiksiyon ang korte kung ang isang state party ay hindi na miyembro ng statute noong simulan ng Prosecutor ang imbestigasyon.