-- Advertisements --

Nanawagan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ating mga kababayan na maging mapagmatyag at maingat sa pagtanggap ng mga impormasyon, partikular na yaong mga kumakalat sa iba’t ibang plataporma ng social media.

Ang panawagang ito ay naglalayong protektahan ang publiko mula sa mga maling impormasyon at upang matiyak na ang mga mamamayan ay may sapat na kaalaman upang makagawa ng mga tamang desisyon.

Ang apela ng AFP ay kasabay ng anunsiyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. hinggil sa planong pagtaas ng ‘base pay’ o batayang sahod na matatanggap ng ating mga Military at Uniformed Personnel (MUP) sa loob ng susunod na tatlong taon.

Ito ay isang positibong hakbang na naglalayong suportahan at pahalagahan ang mga sakripisyo ng ating mga sundalo at iba pang uniformed personnel.

Sa isang pulong balitaan na ginanap sa Kampo Aguinaldo, ipinaliwanag ni AFP Spokesperson, Colonel Francel Margareth Padilla, na ang pagbibigay ng ‘base pay’ sa mga MUPs ay sumusunod sa isang legal at tamang proseso.

Dahil dito, mariing kinontra ng AFP ang mga alegasyon at bintang ng ilang grupo o personalidad na ang nasabing pagtaas sa sahod ay isang uri ng ‘suhol’ o ‘reward’.

Idinagdag pa ni Colonel Padilla na hindi lamang si Pangulong Marcos ang nagpatupad ng ganitong uri ng umento sa sahod ng mga MUPs.

Maging ang mga nagdaang Pangulo ng bansa ay nagbigay rin ng kanilang suporta sa pamamagitan ng pagtataas ng sahod ng mga sundalo at uniformed personnel, isang bagay na lubos na ipinagpapasalamat ng AFP.