Hinimok ng Department of Health (DOH) – Metro Manila Center for Health Development ang mga kabataan na iwaksi ang hindi magagandang habits at practices sa pagkain at kaligtasan sa nalalapit na holiday season.
Ito ay matapos iulat ng ahensiya sa launching ng “Ligtas Christmas 2025” na nakitaan ng pagtaas ang heart syndrome symptoms gayundin ang mga insidente ng banggaan sa kalsada at firecracker-related injuries sa buong bansa kapag holiday.
Kaugnay nito, nanawagan si DOH Regional Director Lester Tan para sa mas ligtas at mas malusog na Pasko para sa bawat pamilya sa Pilipinas.
Aniya, bawat holiday season, tulad ng Pasko, parami ng parami ang mga aksidente sa mga kalsada. Mas marami aniyang kabataan ang nalalantad sa mga paputok at aksidente, kung kayat ang mga ito ang pokus ng ahensiya ngayong Pasko.
Bilang tugon, kalakip ng Ligtas Christmas 2025 program, binigyang diin ng ahensiya ang tatlong pangunahing paraan para sa mas ligtas at mas malusog na holiday season.
Para maiwasan ang mga sakit gaya ng hypertension at obesity, gamitin ang “Pinggang Pinoy” at pagkain ng kumpletong Go, Grow at Glow foods sa tamang porsyon at selebrasyon.
Nagbabala rin ang ahensiya sa pag-inom ng maraming alak at pinaalalahanan ang publiko na kumain sa tamang oras kahit na sa mga pagtitipon.
Para maiwasan ang mga aksidente sa kalsada, dapat na sundin ang road safety practices gaya ng pagsusuot ng helmets at dapat may sapat na pahinga at suriin ang BLOW-BAG-Set bago magmaneho.
Panghuli, para maiwasang mabiktima ng paputok, iwasang gumamit ng fireworks/firecrackers at gumamit ng mas ligtas na alternatibo.















