Umalma ang ilang mambabatas sa hiling na travel clearance ni Davao Rep. Paolo Duterte na bibiyahe sa 17 bansa sa loob ng dalawang buwan.
Ayon kay House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong hindi pangkaraniwan ang hiling na travel clearance ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte para bumisita sa 17 bansa sa loob ng higit dalawang buwan.
Paliwanag ni Adiong, sa kasagsagan pa ito ng imbestigasyon sa flood control projects.
Giit ni Adiong na kanilang napag usapan ang pangamba ng publiko na posibleng paraan ito ng ilan para umiwas sa imbestigasyon kaugnay sa flood control anomaly.
Sa ngayon wala pang desisyon ang liderato ng Kamara sa hiling na travel clearance ni Duterte.
Kinuwestiyon naman ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang hiling ni Rep. Paolo Duterte na travel clearance para bumisita sa 17 na bansa mula Dec. 15 hanggang Feb. 2026.
Ayon kay Tinio inaasahan ng mga kinatawan ni Rep. Duterte ang mataas na standard ng serbisyo kaya dapat lang daw itong dumalo sa mga sesyon sa Kongreso.
Aniya Kaduda-duda rin ang timing ng request dahil ito ‘yung panahon na inaanyayahan siya ng ICI na sumagot ng ilang katanungan hinggil sa mga public infrastructure projects sa 1st District ng Davao.















