Muling inilutang ni dating Sen. Antonio Trillanes IV ang posibilidad na maglalabas din ang International Criminal Court (ICC) ng arrest warrant laban kay Sen. Christopher ‘Bong’ Go.
Ayon kay Trillanes, kasama si Go sa mga dati nang iniimbestigahan ng international tribunal dahil sa papel umano niya sa madugong drug war ni dating Pang. Rodrigo Duterte.
Paliwanag pa ng dating senador, interesado ang ICC sa mga ‘most responsible’ sa nangyaring drug war.
Maaari aniyang aabot hanggang apat na warrant ang tuluyang ilalabas ng ICC, kabilang na ang unang lumabas na warrant laban kay dating Pang. Duterte.
Isa sa mga warrant aniya ay para kay Sen. Ronald Dela Rosa na dating nagsilbi bilang Philippine National Police (PNP) chief, habang ang isa ay para sa dati ring PNP chief na si retired Gen. Oscar Albayalde.
Ang isa pang warrant, kung mayroon mang ilalabas aniya, ay posibleng para kay Sen. Bong Go, ang dating nagsilbi bilang Special Assistant to the President sa ilalim ni Duterte.
Nang matanong si Trillanes kung kailan lalabas ang mga warrant laban kina Albayalde at Go, sinabi ng senador na posibleng sa susunod na taon na ito.
Nananatili rin aniya ang posibilidad ng pagkakasangkot ng iba pang heneral ng PNP, habang nagpapatuloy pa rin ang ginagawa ng international tribunal na imbestigasyon sa kontrobersyal na drug war.
















