-- Advertisements --

Pinalakas ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga pagsisikap upang masiguro ang proteksyon ng mga mamimili at ng buong publiko, kasunod ng mga balita tungkol sa pagtaas ng presyo ng karne at mga gulay, lalo na ngayong papalapit na ang Kapaskuhan.

Ayon sa pahayag ni acting PNP Chief, Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., nagdeploy na ang PNP ng mas maraming pulis sa iba’t ibang mga pamilihan, kabilang ang mga palengke, supermarkets, at maging sa mga wet markets.

Layon ng hakbang na ito na maiwasan at mapigilan ang mga ilegal na gawain tulad ng hoarding , profiteering o labis na pagpapatong ng presyo, panic-buying , at iba pang posibleng kaguluhan na maaaring makaapekto sa suplay at presyo ng mga bilihin.

Ang aksyon na ito ng PNP ay bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na inutos sa PNP at kay DILG Secretary Jonvic Remulla, na tutukan at siguruhin ang kapakanan ng mga mamimili sa pamamagitan ng pagtiyak na patuloy at walang abala ang access ng publiko sa mga pangunahing pangangailangan at bilihin.

Binigyang-diin pa ni Nartatez na ang PNP ay mahigpit na nakikipag-ugnayan at nagtutulungan sa Department of Trade and Industry (DTI) at sa iba’t ibang mga lokal na pamahalaan (LGUs) upang masusing bantayan ang paggalaw ng mga presyo ng bilihin sa merkado.

Kasama sa kanilang koordinasyon ang pagsuporta sa mga isinasagawang inspeksiyon upang matiyak na sumusunod ang mga negosyante sa tamang presyo at upang maiwasan ang anumang uri ng illegal na profiteering o hindi makatarungang pagtaas ng presyo.