Kinumpirma ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na sinimulan nang tuntunin ng mga lokal na awtoridad ang kinaroroonan ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa kasunod ng napaulat na umano’y arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay DILG USec. for Public Affairs and Communications Donnie Puno, sa gitna ng napapaulat na ICC warrant, minamabuti nilang alamin kung nasaan ang Senador lalo na at hindi na siya nagpapakita sa Senado ng ilang linggo na.
Sinusubukan aniya nila na manguna at tiyaking batid nila ang kung saan ang Senador.
Inihayag din ni USec. Puno na namonitor ng mga awtoridad ang Senador sa anim na magkakaibang lokasyon sa nakalipas na tatlong linggo, karamihan sa mga bahay ng kaniyang kaibigan at mga kontak. Kumikilos aniya si Dela Rosa gamit ang magkakaibang mga sasakyan.
Tumanggi naman si Puno na ilahad ang partikular na mga lokasyon kung saan namataan ang Senador subalit kinumpirma niyang lahat ng pinuntahang lugar ng Senador ay sa Pilipinas.
Nilinaw naman ng DILG na hindi itinuturing na pugante si Dela Rosa dahil wala pang iniisyung warrant.















