Isinumite na ng independent panel ang nagawa nitong evaluation sa lagay ng kalusugan ni dating Pang. Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang panayam kay Atty. Nicholas Kaufman, ang lead legal counsel ng dating pangulo, sinabi niyang nakatanggap na rin ang Defense ng kopya ng naturang report.
Sa ngayon, mananatili aniyang confidential ang laman ng naturang report kung saan mabibigyan ng pagkakataon ang dalawang panig na maglabas ng kanilang opisyal na komento.
Itinakda sa Disyembre-12 ang palugit para rito.
Sa kasalukuyan, hindi pa malinaw kung maglalabas din ang ICC ng redacted copy ng naturang report.
Binuo ng ICC Pre-Trial Chamber 1 ang naturang panel na binubuo ng tatlong expserto upang suriin kung kaya ni dating Pang. Duterte na dumalo sa pagdinig sa kaniyang kinakaharap na kasong crimes against humanity.
Ang mga miyembro nito ay pawang mga eksperto sa forensic psychiatry, neuropsychology, at geriatric at behavioral neurology.
Maliban sa pagsusuri para sa ‘fitness to stand trial’ ng dating pangulo, tinukoy din ng naturang panel kung kailangan ng adjustment para sa kaniyang kalagayan, habang naka-detene sa ICC-Detention Centre.
















