-- Advertisements --

Hinikayat ng BAN Toxics ang publiko na gawing ligtas at eco-friendly ang kanilang Christmas items ngayong taon.

Sa ekslusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Thony Dizon, advocacy and campaign officer ng BAN Toxics, sinabi nito na mahalaga ang pagiging mapanuri sa mga dekorasyon at regalo upang maiwasan ang mga produktong may nakalalasong kemikal at masamang epekto sa kalikasan.

Payo pa nito na tiyakin na ang mga dekorasyon ay maaaring muling gamitin habang para naman sa mga bagong dekorasyon, piliin ang mga eco-friendly na materyales.

Pinaalalahanan din ni Dizon na bumili ng mga Christmas lights at dekorasyon na may ICC o PS mark upang matiyak ang kalidad at kaligtasan.

Mahalaga ring maging maingat sa mga laruan at maging responsableng konsyumer ngayong Kapaskuhan.

Samantala, binigyang-diin din nito na ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan.

Sa halip na gumastos nang sobra para sa selebrasyon, nanawagan siyang isaalang-alang ang pag-donate para sa mga kababayang nasalanta ng bagyo, baha, at lindol upang maranasan din nila ang ginhawa at saya ng Kapaskuhan.

Aniya, kahit maliit na paraan, malaki ang maitutulong at mas naipapakita ang tunay na diwa ng Pasko.