Sinuspinde na ng Department of Transportation (DOTr) ng 90-araw ang driver ng bus na naka-atras at nangaladkad sa babaeng tindera sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong Linggo ng hapon.
Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, magpapadala rin ng show-cause order sa operator ng bus.
Binawian ng buhat ang ang 53-anyos na ginang matapos madala sa ospital na nagtamo ng malalang pinsala sa katawan.
Ayon sa imbestigasyon, nawalan umano ng preno ang bus at umatras ng walang kontrol, dahilan para tumama ito sa isang SUV at motorsiklo bago nabundol ang biktima na nahila ng humigit-kumulang apat na metro.
Ngunit batay sa mga saksi na nakakita sa insidente, pabulusok na umatras umano ang bus kaya’t nagkagulo at nagtakbuhan ang mga tao papalayo.
Tumangging magbigay ng pahayag ang driver ng bus na nasa kustodiya na ng QCPD Traffic Sector 5 at mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple damage to property and homicide.