Nais alisin ni Senador Ping Lacson ang pamumulitika sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program ng Department of Health sa pamamagitan ng pagsasailalim nito sa Universal Health Care Act – at pagpataw ng parusa sa pamumulitika.
Sa inihaing panukala ng senador, ipagbabawal ang political exploitation and manipulation.
Dagdag nito, ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa “political exploitation and manipulation,” kabilang ang pag-endorso sa pasyente at paglabag sa probisyon laban sa “credit-grabbing,” ay haharap sa habang buhay na diskwalipikasyon sa pamahalaan, bukod sa posibleng kasong kriminal, sibil o administratibo.
Samantala, binanggit ni Lacson ang mga ulat kung saan hindi na tinatanggap ng pribadong ospital ang guarantee letter mula sa opisyal ng gobyerno para matanggap ang pasyente sa MAIFIP, dahil nagkakaroon na ng “outstanding payables.”
Bagama’t nagbibigay ng guarantee letter ang mga gobernador, senador, taga-Kamara at ibang opisyal, may pangamba ang ilang pribadong healthcare facilities na hindi sila mababayaran sa ilalim ng MAIFIP kung ang guarantee letters ay inendorso ng mga kandidatong natalo sa eleksyon noong Mayo.
Ani Lacson, nabanggit ng Social Protection Plan 2023-2028 na kailangang pag-aralan ang kasalukuyang mga medical assistance program dahil sa posibleng duplication.
Sa kanyang panukala, ipinunto ni Lacson na sa ilalim ng UHC, ang lahat ng Pilipino ay matik na enrolled sa National Health Insurance Program.
Napapabuti dito ang access sa individual healthcare sa pamamagitan ng secured financing ng PhilHealth, at dito ay maaaring magpatupad ang DOH ng mas epektibong population-based na public health program.