Inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Phase II ng Chinatown Revitalization Project sa Binondo, Manila nitong Biyernes upang pangalagaan ang pamana ng distrito habang pinalalakas ang turismo at mga lokal na negosyo.
Sa opisyal na paglulunsad na ginanap sa Hotel Lucky Chinatown sa Binondo, sinabi ni Pangulong Marcos na pinarangalan ng proyekto ang matagal nang ugnayan sa kalakalan at ng kultura sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.
“This initiative is all about honoring shared histories and giving the district the much-needed attention and respect that it deserves,” ayon sa Pangulo.
Matapos ang tagumpay ng Phase I na nagpanumbalik sa kagandahan ng Jones Bridge, sinabi ng Pangulo na layon ng Phase II na gawing masiglang sentrong pang-kultura at pang-ekonomiya ang Binondo.
“In this phase, we will further develop Ongpin Street into a cultural and economic hub, and enhance key historical landmarks with lighting and thematic presentations along Ongpin and Escolta Streets,” sabi ng Pangulo.
Katuwang din ito ng Pasig Bigyang Buhay Muli Program ng Administrasyon upang mapanumbalik ang Pasig River at mga komunidad sa paligid sa pamamagitan ng pag-aayos ng mga pampublikong espasyo, makabagong sistema ng transportasyon at paglilinis ng waterways.
“Maaari na ngayong maglakad, mag-jogging, o magbisikleta ang mga tao mula Intramuros hanggang makarating sa Binondo,” ayon sa Pangulo.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang proyekto ay para sa kapakinabangan ng mga Chinese-Filipino na tinuturing ang Binondo bilang tahanan, ng lahat ng mga Manileño na pumupunta sa lugar araw-araw, at ng bawat Pilipinong nais na higit na maunawaan ang kultura at kasaysayan.
Sinabi ng Pangulo na naging posible ang proyekto dahil sa matibay na pagtutulungan ng gobyerno, pribadong sektor, at Filipino-Chinese community.
Sa nasabing launching, pinanood din ng Pangulo at First Lady Louise Araneta-Marcos ang nailawang MacArthur Bridge; La Madre Filipina; Minor Basilica of Our Lady of the Pillar (Parokya ng Sta. Cruz); Qui Shan Gate; at ang Dragon Lights sa kahabaan ng Quentin Paredes Street.









