-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Mariing tinutulan ng Student Council Alliance of the Philippines (SCAP) at ng Xavier University Central Student Government ang panukala ni Senador Jinggoy Estrada na tanggalin ang implementasyon ng K-12 program sa bansa.

Sa isang exclusive interview ng Bombo Radyo, binatikos ni Angela Diamartin, National Chairperson ng SCAP, ang Senate Bill No. 3001 ni Estrada, na naglalayong ibalik ang dating sistema ng edukasyon kung saan isang taon lamang sa Kindergarten; anim na taon sa elementarya, at apat na taon sa sekondarya.

Ayon kay Diamartin, ang panukala ay maglalagay sa mga estudyante sa hindi kanais-nais na kalagayan sa kanilang pag-aaral.

Aniya, nakasabay na ang Pilipinas sa international standards sa pamamagitan ng K-12, kaya hindi makatarungan na ito ay baguhin.

Giit pa ng grupo, maayos ang disenyo ng programa, at may sapat na polisiya, pondo, at istruktural na suporta mula sa mga stakeholders ng mga paaralan.

Sinabi ni Diamartin na sa halip na tanggalin ang programa, dapat itong palakasin at pagbutihin ang implementasyon upang mas matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral at ng ekonomiya.