-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Justice na hindi lamang ang Philippine National Police partikular sa Forensic Group nito ang siyang kabahagi sa pagsusuri ng mga narekober na buto at mga sako sa Taal Lake.

Kundi ayon mismo sa naturang kagawaran ay mayroon ding partisipasyon rito ang kawanihan ng National Bureau of Investigation sa isinasagawang imbestigasyon.

Sa naging pagtatanong ng Bombo Radyo PH kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kanyang kinumpirma na katuwang ng PNP ang NBI sa pagsasagawa ng forensics sa mga narekober ng Philippine Coast Guard.

Maalala kasi na kamakailan lamang ay inihayag ni NBI Director at Retired Judge Jaime B. Santiago na kasalukuyan pa silang naghihintay ng kung ano ang ipag-uutos sa kanila ng Department of Justice hinggil sa kaso.

Kaya’t buhat nito’y binigyang linaw ni Justice Sec. Remulla na kabahagi ang NBI sa nagpapatuloy na imbestigasyon at pagsasagawa ng mga pagsusuri.

Bagama’t pinangungunahan ito ng PNP, ibinahgi ni NBI Chief Santiago na kanila ring iimbestigahan maging ang mga salaysay na isinumite sa Pambansang Pulisya matapos itong makalap lahat.

Habang inihayag pa ng naturang direktor na bukas ang tanggapan ng kanilang kawanihan sa mga possible pang lumabas na testigo hinggil sa pagkawala ng mga sabungero.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ng Philippine National Police Forensic Group ang mga narekober na buto upang isailalim sa nagapapatuloy na masusing mga pagsusuri.