KALIBO, Aklan — Binatikos ni Kontra Daya Convenor Danilo Arao ang panukalang House Bill 6771 o Anti-Political Dynasty Bill na inakda nina Speaker Bojie Dy at Representative Sandro Marcos.
Aniya, isa itong malinaw na panlilinlang at gagawing legal sa halip na tuluyang wakasan ang political dynasty sa bansa.
Ayon kay Arao sa kanilang pagsusuri sa Section 5 ng naturang panukalang batas, nililimitahan lamang nito ang mga magkamag-anak na magsama o maupo sa posisyon sa loob ng isang distrito.
Ito ay nangangahulugang maaari pa ring kontrolin ng isang angkang politikal ang maraming lungsod o munisipalidad, basta’t tig-iisang kamag-anak lamang ang may hawak ng posisyon sa bawat lugar.
Hindi umano ito katanggap-tanggap dahil ang habol ng mamamayan ay ang tuluyang pagbawal sa political dynasty.
Mistulang isa itong “watered down” version dahil pinapayagan pa rin ang dinastiya sa ibang porma.
Giit pa nito na sinisira ng panukala ang direktiba ng Konstitusyon na ipagbawal ang mga political dynasties at bigong matugunan ang malalim nang nakaugat na katiwalian.
Sa kabilang daku, sinabi pa ni Arao na nasa survival mode ang administrasyong Marcos dahil sa kaliwa’t-kanang mga eskandalo at malawakang kilos protesta para sa transparency, accountability at reporma.
Dahil dito, napipilitan aniya ang pamilya Marcos na magkompromiso kaya’t ginawang prayoridad na batas ang Anti-Political Dynasty Bill.
Panawagan ng grupo sa mga mamamayan na pigilan ang naturang panukalang batas at bigyang pansin ang iba pang bill sa kongreso.
















