Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na may mga mahahalaga at sensitibong dokumento na nakuha sa hinalughog na condo unit ni Zaldy Co sa Bonifacio Global City, Taguig.
Ayon kay NBI Spokesperson Atty. Palmer Mallari, tatlong vaults ang binuksan ng mga otoridad at nakuha sa mga ito ang ilang sensitibong dokumento na magagamit sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa iskandalong bumabalot sa mga flood control project.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa rin ang inventory sa mga narecover na dokumento na ayon sa NBI ay pawang mahahalagang ebidensiya.
Isusumite ng naturang opisina ang opisyal na post-operation report nito sa Taguig City Regional trial Court, na naglabas sa ginamit na warrant.
Batay sa nilalaman ng warrant, target na makuha sa pagsisilibi nito ang mga ebidensiya kauugnay sa graft at malversation cases na inihain laban sa dating kinatawan ng Ako Bicol Partylist.
Ang bagong warrant ay may mas malawak na saklaw kumpara sa naunang inilabas ng Makato RTC dahil pinayagan ng Taguig court na buksan ang mga nadatnang vaults at kumpiskahin ang mga dokumento at mga pera.
Bagaman may nadatnang cash sa Taguig condo, umaabot lamang ito sa P10,000.















