Nagpahayag ng pagkabahala si Cardinal Pablo Virgilio David, presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa pagpapalobo ng pondo para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) sa panukalang 2026 national budget, mula ₱24.4 bilyon tungo ₱51.64 bilyon.
Ayon kay David, bagama’t tila makatutulong ang pondo, nagdudulot ang kasalukuyang istruktura ng MAIFIP ng seryosong isyu sa pamamahala at etika. Dahil sa guarantee letter system, ang tulong medikal ay naa-access lamang sa pamamagitan ng endorsement ng mga politiko, na siyang nagtatakda kung sino ang makakatanggap, magkano, at kailan.
Binanggit niya ang mga desisyon ng Korte Suprema laban sa pork barrel, at aniya, ang kasalukuyang sistema ng MAIFIP ay muling lumalabag dito dahil kailangan ang post-enactment intervention ng mambabatas.
Inirekomenda ni David na kung layunin talaga ang universal health care, mas maayos at marangal ang paraan sa pamamagitan ng PhilHealth at DOH hospitals, nang walang politikal na pamamadrino. (report by Bombo Jai)
















