-- Advertisements --

Patuloy ang halos isang buwang pagliban ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa matapos siyang hindi dumalo sa Bicameral Conference Committee (bicam) meeting para sa P6.793 trilyong 2026 national budget.

Si Dela Rosa ay kabilang sa Senate contingent ngunit muling lumiban ngayong araw, bagay na ipinanghihinayang ni Senate finance committee chairman Win Gatchalian na umaasang makadadalo sana ang senador.

Simula pa noong unang linggo ng Nobyembre, hindi na dumadalo si Dela Rosa sa mga sesyon ng Senado matapos ibunyag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may inilabas umanong arrest warrant laban sa kanya ang International Criminal Court (ICC) kaugnay ng war on drugs noong administrasyong Duterte.

Ang ICC ay nagsasagawa ng imbestigasyon sa umano’y extrajudicial killings na naganap sa ilalim ng kampanya kontra droga, kung saan si Dela Rosa ay nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) mula 2016 hanggang 2018.

Sa ginanap na bicam meeting, dumalo sina Senators Win Gatchalian, Loren Legarda, Kiko Pangilinan, Erwin Tulfo, Imee Marcos, at Bong Go. Samantala, bukod kay Dela Rosa, lumiban din sina Senators Mark Villar, Pia Cayetano, at JV Ejercito.

Ang bicam ay mahalagang proseso upang pag-isahin ang bersyon ng Senado at Kamara sa pambansang budget bago ito tuluyang maipasa at mapirmahan ng Pangulo.

Ang 2026 national budget ay nakatuon sa pagpapalakas ng edukasyon, kalusugan, imprastruktura, at social protection programs, na inaasahang magbibigay suporta sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan.

Sa kabila ng kontrobersya, tiniyak ng mga dumalong senador na magpapatuloy ang deliberasyon upang matiyak na maipapasa ang budget sa takdang panahon.