Bumagsak ang 24-metrong replica ng Statue of Liberty sa labas ng Havan megastore sa Guaíba, Brazil noong Disyembre 15 matapos tamaan ng malalakas na hangin dulot ng masamang panahon.
Ayon sa mga awtoridad, walang naiulat na nasaktan sa insidente matapos mailikas ang mga tao at sasakyan sa paligid bago bumigay ang istruktura.
Ang naturang replica ay itinayo noong 2020 bilang bahagi ng branding ng Havan retail chain na kilala sa pagtatayo ng mga Statue of Liberty replicas sa kanilang mga tindahan.
Nanatiling buo ang konkretong base ng estatwa kahit bumagsak ang mismong istruktura, kaya’t hindi naapektuhan ang gusali.
Ang pagbagsak ay nakunan sa video at kumalat sa social media, na nagdulot ng matinding usapan sa publiko.
Ang insidente ay isa lamang sa mga pinsalang dulot ng malakas na bagyo sa rehiyon ng Rio Grande do Sul ngayong Disyembre.
















