-- Advertisements --

Pumalo na sa 132 ang bilang ng mga nasawi sa madugong police raid sa bahagi ng mahihirap na lugar sa Alemão at Penha ng Rio de Janeiro, Brazil, ayon sa public defender office ng bansa.

Ayon sa mga ulat, ito na ang pinakamadugong operasyon sa kasaysayan ng lungsod kung saan higit sa doble sa naunang ulat na 58 ang nasawi.

Kinumpirma naman ni Governor Cláudio Castro na patuloy pang sinusuri ng mga forensic expert ang mga naiulat na nasawi at igiinit nitong karamihan sa mga napatay sa operasyon ay mga miyembro ng sindikato.

Batay naman sa mga lumabas na pahayagan at kwento ng mga saksi sa lugar na nagmistula umanong “gera” ang naging sagupaan ng mga pulisya at mga armadong kalalakihan. Gumamit pa umano ng mga drone na may mga pampasabog ang mga miyembro ng gang upang atakihin ang miyembro ng pulisya.

Kinondena naman ng United Nations Humans Rights Office ang operasyon at sinabing labis silang nagulat sa lawak ng karahasan.

Sinabi naman ni Brazil President Luiz Inácio Lula da Silva na mismo siya ay nabigla at lubos na nanghinayang dahil hindi umano sila nasabihan ukol sa malawakang operasyon.

Ayon sa mga awtoridad, target ng operasyon ang Red Command, isang kilalang sindikatong nagbebenta ng ilegal na droga.

Kaugnay nito apat (4) sa hanay ng pulisya naman ang kabilang sa mga nasawi sa operasyon.

Magugunitang ang raid ay ilang araw bago idaos sa lungsod ang C40 World Mayors Summit at Earthshot Prize na dadaluhan ni Prince William ng United Kingdom.