Hinimok ng mga lider ng Kamara de Representantes ang Senado na huwag sayangin ang oportunidad na makatulong sa pagbaba ng presyo ng bigas na nagpapahirap sa maraming pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng pag-aksyon sa panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL).
Sinabi Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez na mayroong inilagay na mga safety net sa panukala upang mapahupa ang presyo at matiyak na mayroong sapat na suplay ng bigas ang bansa.
Dagdag pa ni Suarez na dapat maki-alam ang gobyerno upang mapigilan ang sobrang pagtaas ng presyo ng bigas.
Inaprubahan na ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa ang House Bill (HB) No. 10381 na nagbibigay ng kapangyarihan sa National Food Authority (NFA) na muling makapagbenta ng bigas sa panahon ng emergency gaya kung mayroong kakapusan.
Pinapalawig din ng panukala ang validity period ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF ng anim pang taon at itinataas ang taunang pondo nito mula P10 bilyon sa P15 bilyon.
Inaasahan na aaprubahan ng Kamara ng panukala sa ikatlo at huling pagbasa bago ang sine die adjournment sa susunod na linggo.
Tinutulan ng ilang senador ang pagbabalik ng kapangyarihan sa NFA na muling makapag-angkat at magbenta ng bigas dahil sa mga kinasangkutan nitong korupsyon sa nakaraan.
Sinabi ni Suarez na mayroon ding kakayanan ang mga ahensya ng gobyerno na imbestigahan at kasuhan ang katiwalian.
Ayon naman kay House Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na mahalaga na magkaroon ng kolaborasyon sa Senado para matugunan ang mataas na presyo ng bigas na nagpapahirap sa maraming pamilyang Pilipino.
Umaasa si Acidre na bibilisan din ng Senado ang pagpasa ng panukalang amyenda sa RTL.
Para naman kay Lanao del Norte 2nd District Rep. Mohamad Khalid Dimaporo, chairman ng House Committee on Muslim Affairs, ang amyenda sa RTL ay naaayon sa pagnanais ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na mabalanse ang suporta sa mga magsasaka at maging mura ang bigas.
Alinsunod din umano ito sa layunin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawing abot-kaya ang presyo ng bigas.
Kung hindi umano sang-ayon ang Senado sa panukala na ipinasa ng Kamara na nagbibigay ng dagdag na kapangyarihan sa NFA dapat ay mabigay ito ng mas magandang alternatibo.