Inihain ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ang Senate Bill No. 1047 na naglalayong baguhin ang Bank Secrecy Law (RA 1405) upang payagang imbestigahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga bank deposits na posibleng konektado sa korapsyon, pandaraya, money laundering, o iba pang malalaking financial crimes.
Ayon kay Estrada, hindi dapat gamitin ang bank secrecy para itago ang krimen. Kung may sapat na batayan ang BSP na may ilegal na aktibidad, dapat nitong suriin ang mga account ayon sa batas.
Nakasaad sa panukala ang mga proteksyon laban sa abuso, tulad ng hindi pag-inspect ng deposits sa panahon ng eleksyon, at limitadong paggamit ng resulta ng imbestigasyon sa criminal prosecution lamang. Sakop ng panukala ang peso at foreign currency deposits, na nagbibigay balanse sa privacy ng indibidwal at kakayahan ng gobyerno na labanan ang financial misconduct.
Ani Estrada, ang pagbabagong ito ay magpapalakas sa kakayahan ng gobyerno na habulin ang maruming pera, panagutin ang mga lumalabag sa batas, at ibalik ang tiwala ng publiko. (report by Bombo Jai)
















