-- Advertisements --

Tinanggap ng Department of Agriculture (DA) ang hamon ng Senado na pamunuan mismo ang pagpapatupad ng mga proyekto sa farm-to-market roads (FMRs), kasunod ng mga ulat ng umano’y overpricing at katiwalian sa mga nakaraang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2026 budget ng DA, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Laurel na handa silang akuin ang responsibilidad sa pagpapatayo ng  farm-to-market roads alinsunod sa hamon ni Senate Finance Committee Chairman Sen. Win Gatchalian. 

Binigyang-diin ni Laurel ang kahalagahan ng proyekto hindi lamang sa mga magsasaka kundi sa kabuuang kaunlaran ng agrikultura at seguridad sa pagkain ng bansa.

Ayon kay Gatchalian, tinatayang mahigit P10 bilyon ang posibleng nawaldas dahil sa overpricing ng mahigit 70,000 kilometers ng FMR projects, na tinukoy bilang mga “ghost” o “semi-ghost projects.”

Ang halagang ito, ayon sa kanya, ay sapat para magtayo ng two-lane highway mula Maynila hanggang Aparri.

Giit ng kalihim, hindi nila isasagawa ang proyekto nang nag-iisa. Makikipagtulungan umano sila sa mga local government units (LGUs), mga farmers’ groups, at mga independent auditors at third-party surveyors upang matiyak na bawat piso ng pondo ay mapupunta sa tamang proyekto.