INCHEON, SOUTH KOREA – Nakamit ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chorale ang pinakamataas na parangal bilang Grand Prix Champion sa Korea International Choir Competition 2026 na ginanap sa Incheon National University noong Marso 1.
Tinalo ng grupo ang 47 iba pang chorale mula sa iba’t ibang bansa kabilang ang Indonesia, South Korea, Russia, Taiwan, Malaysia, United States, Poland, at Pilipinas.
Sa finals, ipinamalas ng PCSO Chorale ang kanilang husay sa pamamagitan ng mga piyesang “Puer Natus in Bethlehem” at “Te Lucis Ante Terminum, na hinusgahan ng 14 na miyembro ng international jury na binubuo ng mga eksperto sa musika at choral performance. Bukod sa Grand Prix, nakakuha rin ang grupo ng ginto sa dalawang kategoryang kanilang sinalihan: Sacred Music Category at Mixed Category.
Bilang Grand Prix winner, nakakuha ang PCSO Chorale ng puwesto sa prestihiyosong Asia Choral Grand Prix na gaganapin sa Manila sa Agosto 2027.
Sa ibang resulta ng kompetisyon, nagwagi ang Central Bicol State University ng gintong medalya sa Pop and Jazz Category at pilak sa Mixed Category. Iginawad naman ang Best Conductor Award kay Eunmi Yu ng Gyeyang District Boys and Girls Choir (South Korea), habang ang Best Choreography Award ay nakuha ng Children’s Choir ng Ekaterinburg State Opera and Ballet Theater (Russia).
Pinangunahan ang PCSO Chorale nina Choir Conductor Robert Delgado at Choir Master Tristan Ignacio. Ayon kay PCSO General Manager Melquiades Robles, ito ang unang pagkakataon na lumahok ang PCSO Chorale sa isang international competition.
“Ang tagumpay na ito ay patunay ng pambihirang talento at dedikasyon ng PCSO Chorale. Hindi lamang ito karangalan para sa aming institusyon kundi para sa buong sambayanang Pilipino. Sa pamamagitan ng musika, muli nilang ipinakita ang kahusayan at global competitiveness ng mga Filipino artists,” ani Robles.
Itinatag noong 1998, binubuo ang PCSO Chorale ng mga empleyado ng ahensya. Muling pinasigla ang grupo noong Setyembre 2023 sa pamumuno ni Robles at Delgado.
Ang Korea International Choir Competition ay isa sa mga pangunahing choral events sa rehiyon, tampok ang mga paligsahan, workshops, masterclasses, guest performances, at K-pop concert.
Robles ay nangakong patuloy na susuportahan ang PCSO Chorale sa kanilang paghahanda para sa susunod na yugto ng kompetisyon.










