-- Advertisements --

Kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na tinanggal ng Senado ang tinatawag na “allocables” mula sa P6.793-trillion panukalang pondo para sa 2026 sa kabila pa ng mga pagtutol dito ng kaniyang kasamahang mga Senador.

Nauna nang inilarawan ng Senador ang naturang allocables bilang bagong “pork barrel” dahil sa pinapahintulutan nito ang pagpopondo sa mga proyekto bago pa man matukoy ang mga ito.

Aniya, magbubukas ito ng pintuan para sa pag-abuso gaya ng manipuladong bidding para sa mga kontrata na magbebenepisyo sa mga pinaburang indibidwal.

Maliban dito, kinumpirma rin ng mambabatas na tinanggal ng Senado ang ayuda at iba pang items na may political patronage mula sa mga item na popondohan ng unprogrammed funds.

Isiniwalat din ng Senador na nakatanggap ng impormasyon ang Majority bloc ng kapulungan na ilang mambabatas kabilang ang mga Senador ang nagpipilit sa kani-kanilang amendments sa 2026 General Appropriations Bill (GAB) habang tinatalakay ito, bagamat naayos aniya ito nang maaprubahan na ng mga Senador ang budget bill sa ikalawang pagbasa nang wala ang allocables.

Nakatakda namang aprubahan sa ikatlong pagbasa ang naturang budget bill sa susunod na linggo.