Nanindigan si dating Congressman at House appropriations chair Zaldy Co na ang Senado at hindi ang Kamara ang may pananagutan sa mga “blank spaces” sa ilang pahina ng bicameral conference committee report ng 2025 national budget.
Batay sa liham ni Co kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Pebrero, na kamakailan niyang ipinost sa social media, ang mga puwang ay dulot umano ng “inadvertent omission” ng Senate finance committee secretariat.
Dahil dito, kinuwestiyon ng mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang konstitusyonalidad ng budget, na ngayon ay nakabinbin sa Korte Suprema.
Giit ni Co, matagal nang Senado ang nagfi-finalize ng bicam reports, kaya’t “hindi patas” na sisihin ang House staff.
Tiniyak din niyang tanging enrolled copy na walang blanko ang kanyang pipirmahan, at may probisyon na nagsasabing ito ang mananaig sakaling may hindi pagkakatugma sa ibang draft.
”On a final note, allow me to clarify that the current issues about ‘blank spaces’ in the bicameral conference report are due to the inadvertent omission by the Senate finance committee secretariat,” giit ni Co sa sulate niya kay Pang. Marcos Jr.
Dagdag pa ng dating mambabatas,” It is most unfair to blame the hardworking men and women of the House Appropriations committee for this faux pax when every year, the Senate has been in charge of finalizing the bicameral conference committee reports.”
Pinabulaanan naman nina Sen. Grace Poe, dating Senate President Francis Escudero at ilang senador na may blank spaces sa kanilang nilagdaang bicam report.
Nilagdaan ni Pangulong Marcos Jr. ang 2025 budget noong Disyembre 30, 2024.
Sa parehong liham, binatikos ni Co si Escudero dahil lumaki umano ang pondo ng DPWH kaysa Department of Education matapos hilingin ng Senado ang P200 bilyon para sa DPWH, kung saan P150 bilyon lang ang naipasok.
Sinisi rin ni Co si Escudero sa pagkakascrap ng P74-bilyong PhilHealth subsidy —isang isyu ring iniakyat sa Korte Suprema ng mga health advocate, dating Sen. Koko Pimentel at dating SC Justice Antonio Carpio.









