-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Kamanggagawa Party-list Representative Eli San Fernando ang pangangailangan ng pantay na minimum wage sa buong bansa na aniya’y hakbang tungo sa mas makatarungan at inklusibong ekonomiya.

Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, binatikos ni San Fernando ang kasalukuyang regionalized wage system, kung saan malaki ang agwat ng sahod sa bawat rehiyon.

Para sa mambabatas, pareho lang ang pagod kaya dapat parehas din ang sahod ng nasa Maynila at sa lalawigan.

Una rito, ipinanukala ni San Fernando ang pagbuo ng isang national minimum wage policy na magtatakda ng pantay na sahod para sa lahat ng manggagawa, anuman ang lokasyon.

“No worker should earn less simply because they were born or live in a different region. Wage justice cannot wait any longer,” wika ni San Fernando.

Ayon sa kanya, hindi dapat maging batayan ng sahod ang geographical location kundi ang dignidad ng paggawa.

“Parehong pagod, dapat parehas ang sahod,” dagdag pa ng mambabatas.