Lubhang nakakabahala ang air pollution sa Metro Manila dahil sa selebrasyon ng Bagong Taon, ayon sa grupong nagbabantay sa kalidad ng hangin na Breathe Metro Manila.
Gamit ang datos na nakalap, natukoy ang Air Quality Index sa Metro Manila sa pamamagitan ng online map ng Breath Metro Manila.
Base sa datos, nakaranas ng ilan sa pinakamalalang kondisyon ng hangin ang Hilaga at Gitnang parte ng National Capital Region mula bisperas ng Bagong Taon, Disyembre 31 hanggang Enero 1, na umaabot sa “hazardous level,” ayon kay Clarity Movement Regional Account Manager Ethel Garcia.
Ang peak ng air pollution ay naitala bandang alas-2:00 ng madaling araw kung saan sumipa sa 500-600 ang Air Quality Index, ang lebel na ikinokonsidera bilang “lubhang mapanganib.”
Paliwanag ni Garcia, nakakaalarma ito lalo na para sa mga bulnerableng grupo gaya ng mga matatanda na may respiratory problems o mga batas na mayroong asthma, kayat kailangan aniyang protektahan ang kanilang sarili.
Kahapon, dakong alas-3:00 ng hapon, lumalabas sa mapa na umakyat sa “emergency level” ang kalidad ng hangin sa Caloocan Sports Complex na nangangahulugan na dapat manatili sa loob ng bahay ang mga tao at isara ang kanilang mga bintana at pintuan.
Samantala, ang ilang lugar naman sa Metro Manila gaya ng Kalayaan Avenue-South Avenue Intersection ay naitala bilang “very unhealthy” pagdating sa kalidad ng hangin.
Kaya inaabisuhan ang mga indibidwal na may respiratory disease na manatili na lamang sa bahay at magsuot ng N95 face mask kung hindi maiwasang lumabas.
Ayon naman kay Garcia, inaasahang bubuti na ang kalidad ng hangin depende sa lagay ng panahon at galaw ng hangin sa mga susunod na araw.
















